Kayamanan

KALUSUGAN, ISANG KAYAMANAN!

Ano nga ba ang ibig-sabihin o kahulugan ng kalusugan? Nakagisnan na natin ang kapag sinabing “Kalusugan” o health ay nangangahulugan ng pagkawala ng sakit o anumang karamdaman. Ang taong nasa mabuting kalusugan ay isang taong walang sakit ngunit, hindi ito ang buong kahulugan ng kalusugan! Tulad narin ng wika ng WHO o World Health Organization, ang kalusugan ay ang isang estado ng pagiging masigla ang isip, katawan, at pakikitungo sa iba. Hindi ito simpleng kawalan lamang ng sakit, kapansanan, o iba pang karamdaman.

Ang kalusugan ay may tatlong aspeto. Una, kalusugang pang kaisipan. Ito ang ating abilidad na makapagsaya sa ating buhay at malampasan ang mga pasanin ng pang-araw-araw na pamumuhay. Ang mabuting kalusugang pangkaisipan ay nagpapahintulot sa iyong maging kapakipakinabang, ang magkaroon ng katuparan sa mga relasyon sa ibang tao, at ang umangkop sa mga pagbabago at malampasan ang mga panahon ng kahirapan. Ikalawa, an gating kalusugang pisikal na tumutukoy sa ating kakayanan na gampanan ang mga mabibigat na gawain na nangangailangan ng lakas. Ikatlo, ang kalusugang ispiritwal na tumutukoy naman sa ating katatagan sa pananampalataya.

Sa paksang ito, pagtutuunan natin ng pansin ang kalusugang pisikal.
Ang kalusugan ay isa ring karapatan ng bawat tao sa buong mundo. Dapat tayong makipagtulungan upang maatim ang isang estado na magpapahintulot sa katuparan ng kahulugan ng kalusugan na ating nabanggit.

Mahalaga nga kaya ang pagkakaroon ng maayos at malusog na kalusugan? Ang kalusugan ay isang kayamanan. Paano? Halimbawa, kapag nawala ang pera mo, pwede mong mabawi iyon. Maaari kang gumugol ng panahon para mabawi ang perang nawala – depende sa kung magkano ito. Puwede ka ring kumalas sa pagkakabaon sa utang at kumita ng mas malaki, depende sa iyong disiplina. Puwede mo ring isara ang isang negosyo at simulan ang isa pa. Ngunit kung bumagsak ang iyong kalusugan, mas malamang na hindi mo na mababawi ang mabuting pangangatawan.

Sa pagbagsak ng ating katawan, nakaabang ang maraming karamdaman na maaaring gumupo dito. Ang ilan sa mga karamdamang ito ay maaaring mapagaling ngunit may ilan din na sa oras na mapunta ito sa katawan ay maaaring mapabagal ang pagkalat ngunit hindi na maalis pa. kung kaya’t mahalaga na pangalagaan natin ang ating kalusugan.
Ilan sa mga karamdamang ito ay ng atake sa puso, isa sa pinakakaraniwang sanhi ng pagkamatay sa buong mundo, maging sa Pilipinas. Ang sanhi ng atake sa puso ay ang kakulangan ng dugo sa puso, na nagdudulot sa pagkamatay ng laman sa puso. Kapag malaking bahagi ng puso ang naapektuhan ng atake sa puso, maaaring bumigay na ng tuluyan ang puso at ito ay pwedeng maging sanhi ng pagkamatay.

            Ang pananakit sa ibabang bahagi ng likod. Isa itong sintomas o senyales ng isang karamdaman sa buto, laman, ugat at kasu-kasuan na matatagpuan sa bahaging ito ng katawan. Madalas na hindi malala ang dahilan ng pananakit na ito at kalimitang nawawala ito ng kusa. Maraming pwedeng maging dahilan ng pananakit ng likod. Kalimitan na ang sobrang paggamit sa bahaging itong likod, o maling posisyon ng katawan ang siyang nagdudulot ng matinding pagkapagod sa laman, buto at kasu-kasuan na nararamdaman natin bilang sakit.

Sore eyes, minsan, tinatawag rin itong “pink eyes” dahil sa kulay nito. Sa ating bansa, ang mas kilalang tawag na sore eyes ay kalimitang kumakalat tuwing tag init o bakasyon. Gaya ng nabanggit, maraming dahilan ang pamumula ng mata. Una, tanungin sa sarili: nakusot o nakamot ba ang mata? Nagpuyat ba ng ilang gabi? Ikalawa, isipin kung napuwing, natamaan, o may kemikal gaya ng sabon, shampoo, o make-up na tumama sa mata. Ikatlo: mayroon bang kakilala na may pamumula rin ng mata? Maraming dahilan ang pamumula ng mata. Nandyan ang puyat, allergy, stress, panunuyo ng mata, pagkapuwing, kemikal, droga, glaucoma, o impeksyon. Kapag may pamumula ng mata, huwag kaagad mataranta o magpatak ng kung ano-ano sa mata. Ang pamumula ng mata mula sa pagkamot at pagkapuwing ay kalimitang pansamantala lamang. Maari itong tumagal ng ilang oras o isa hanggang dalawang araw. Halos wala itong kaakibat na sintomas maliban na lamang sa puwing na kalimitang may pagluluha. Kung minsan, sa sobrang stress o puyat, lalo na kung madalas nakaharap sa computer o telebisyon, may maliliit na ugat sa mata na pumuputok. Ito ang nagiging sanhi ng pamumula. Ang karaniwang sore eyes na alam natin ay ang nakakahawang klase.

Ang pasma ay isang karamdaman kung kalian ang mga kaso-kasuan at kalamnan ay may kirot o hindi komportableng pakiramdam na mahirap maipahiwatig. Walang eksaktong katumbas na kahulugan ang pasma sa Ingles o sa modernong Medisina, subalit ang salitang ito ay nag-ugat sa salitang “spasm”. Ang kaugnayang ito ay pinalalim pa ng makabagong paliwanag mula sa modernong Medisina na ang pasma ay maaaring dulot sa kapaguran ng mga kalamnan. Ayon sa mga matatanda, ang sanhi ng biglaang pagbabago ng mga kundisyon. Halimbawa, ang isang kakalaro lang ng basketball at nag-iinit pa ay maaaring magka-pasma kung siya ang biglang naligo ng malamig. Maaari ring magkaroon ng pasma sa kabaliktarang pangyayari: ang taong biglaang nainitan ay maari ring pasmahin. Ang isang musikero na tumutugtog ng gitara o piano ay hindi raw dapat maghugas ng kamay pagkatapos na pagkatapos ng pagtugtog; baka maging pasmado ang kanyang kamay. Ayon naman sa modernong Medisina, ang pasma ay maaaring dahil sa sobra o di-wastong pag-gamit ng mga kasukasuan o mga kalamnan.

Ilan lamang ito sa mga karamdaman na maaari nating makuha kung hindi natin pagtutuunan ng pansin ang ating kalusugan. Sa panahon ngayon, marami na tayong maaaring gawing prebensyon at pag-iwas. Sa panahong tag-ulan, siguraduhing ligtas ang pinagkukuhanan ng tubig. Ang ligtas na tubig ay napakahalaga para sa kalusugan. Tuwing tag-ulan, maaaring maapektuhan ang ating mga pinag-iigiban ng tubig, kaya’t dapat, maging segurista. Ang tubig na hindi tiyak ay dapat huwag ring gamitin na panghugas ng gulay, prutas na kakainin. Magpatingin kaagad sa doktor kung may mga sintomas tulad ng di-mapigilang at/o malatubig na pagtatae, mataas na lagnat, pagsakit ng tiyan at ng katawan, upang maagapan ang anumang sakit na nakuha.

Ang pangangalaga sa katawan ay isang makatuwirang bagay dahil ito’y kaloob ng Diyos. Ipaghalimbawang may kotse ka, pero hindi mo naman ito minamantini. Di-magtatagal at masisira ito. Pwede ring mangyari iyan sa katawan mo. Ano ang kailangan ng katawan mo para manatili itong malusog?

 Pahinga. Kung kulang ka sa tulog, magmumukha kang pagód, manlalambot, matutuliro, at made-depress pa nga. Pero kung sapat ang tulog mo, magiging masigla ka. Bibilis din ang paglaki mo, huhusay ang paggana ng utak mo, lalakas ang immune system mo, at magiging mas masayahin ka. Makukuha mo ang lahat ng iyan nang walang kahirap-hirap—matulog ka lang! gawing regular ang tulog mo sa gabi.

Nutrisyon. Habang lumalaki ang katawan, kailangan nito ng masustansiya at nakapagpapalakas na pagkain. Tiyakin na naibibigay mo sa iyong katawan ang kailangan nitong nutrisyon. Laging mag-agahan. Kung kakain ka bago pumasok sa iskul, makatutulong ito para humusay ang iyong konsentrasyon at memorya.

Ehersisyo. Ito ay nagpapatibay ng mga kalamnan at buto, nagpapasigla, kumokontrol ng timbang, nagpapatalas ng isip, nagpapalakas ng immune system, nakakabawas ng stress, at nagpapaganda ng mood. At siyempre, enjoy rin itong gawin, dahil puwede mong gawin ang ehersisyong gusto mo!

Tulad ng mga yaman na nais nating makamit nararapat na mas magkaroon tayo ng mithiin na magkaroon ng maayos na kalusugan. Paano mo na lamang makakamit ang yaman sa mundo kung ikaw mismo ay may mahinang pangangatawan. Hindi ba’t mahirap makipagsapalaran sa mundong ito kung walang sapat na pangdepensa. Tandaan natin na kalusugan ay higit na importante sa yaman dahil ito na mismo ang ating kayamanan.


Comments

Popular posts from this blog

Ang Buhay ng Barker

Muling Pag-Uwi