Muling Pag-Uwi

         "Going.. and gone..", sabi na aming propesor. Nangangahulugan na uwian na. Palabas na kami ng klasrum. Halos huli akong nakalabas dahil inayos ko pa ang gamit ko. Pag-labas ng silid-aralan nakita ko ang mga kaklase ko na abala sa pag-uusap, animo'y matagal hindi nagkita-kita. Makikita mo rin si Fritzie na hinahanda ang kanyang cellphone para makuhaan ng video ang kanyang madadaanan. Nakalabas na ako ng pinto, agad kong hinanap sina Noemi.
             "Jade!"
          Ayun pala! lumapit ako sa kanila at naglakad na kami. Mahaba-haba ang lalakarin namin dahil nasa ikaapat na palapag kami ng College of Nursing. Ikaapat na palapag? Naalala ko tuloy ang sabi-sabi na may mga ligaw na kaluluwa raw dito. Hindi ko alam kung maniniwala ako o hindi. Pakiramdam ko kasi totoo nga iyon.
          5:30 ng hapon, naglalakad na kami pababa ng CON mula sa ikaapat na palapag. Nasa ikatlong palapag na kami nang mamalayan ko na naiwan ko ang isa ko pang bag sa aming silid. Nagpaalam ako sa mga kasama ko na babalikan ko ito. Dali-dali kong umakyat pabalik sa taas. Tumakbo ako kahit hinihingal na. Malapit na ako sa pinto. Ngunit.. 


            Napatigil ako nang marinig ang langit-ngit ng pinto at nang makita na unti-unti itong bumubukas. Naalala ko na ako nga lang pala ang tao sa taas. Nakaramdam ako ng malamig na hangin sa aking paa na unti-unting umaakyat sa aking katawan na siyang nagpapataas ng aking mga balahibo. Hindi ko na lang pinansin. Inisip ko na mabuti at ipinagbukas ako ng pinto! Agad akong pumask ng silid at kinuha ang bag at dai-daling lumabas. Nagulat pa ako nang makita si Alyssa sa labas. Sinundan pala niya ako. Papunta na ako sa direksyon niya malapit sa hagdan. May tinuturo siya sa...
              Ting.. Ting.. Ting..
            Nabalik ako sa kasalukuyan nang marinig ang tunog na parang may pinapalong bakal. Si Sir pala. Pinapatama niya kasi ang pamaypay niya sa mga bakal na hawakan ng hagdan. Malapit na pala kami makalabas ng CON. Nauuna sa aming maglakad si Sir.
                Tuluyan na kaming nakalabas ng CON. Masayang nagkukwentuhan. Bago umuwi nakasanayan na namin na pumunta muna sa C.R. na napapaligiran ng mga puno at halaman, para kang papasok sa isang kweba sa gitna ng gubat. Nandito kami para mag-ayos. Hindi ko nga mainindihan kung bakit kailangang mag ayos pa gayong pauwi na rin naman. Nakikisama na lang din ako. Konting polbo, konting kulay sa bibig. Tapos na. Makakauwi na sa wakas. Naglakad na ulit kami palabas. Nang makarating sa shed na may mga berdeng lamesa na kakulay ang bubong na nagpoprotekta dito, humiwalay na ako sa mga kaklase ko. Nag-iintay kasi ang isang kaibigan ko. 
           Lumapit ako sa kinauupuan niya. Umakto siya na tila hindi niya ako nakikita, ipinagpatuloy niya ang paglalaro sa cellphone. Kinulbit-kulbit ko siya. Maya-maya ay tumingin na din sa akin.
                  "Nandyan ka na pala?"
                  Tinawanan ko na lang siya. Maya-maya'y tumayo na rin at nag-ayang umalis. Sa paglalakad namin nadaanan namin ang library, marami pang mga estudyante. Nadaanan din namin ang isang malaking replika ng kalabaw na nakalubog sa lupa, tila naliligo sa putikan. Naalala ko tuloy noong una kong nakita ang kalabaw na ito. Sa itim at bilog na mata nito ay may higad, uri ng uod na maraming balahibo na pag napadikit sayo ay ubod ng kati, sa kati ay magkakaroon ka ng malalaki at pulang pantal. Nakita ko ang higad na umiikot-ikot sa mata ng kalabaw. Natawa tuloy ako nang maalala ko ito.
              Nalampasan na namin ang kalabaw. Nadaanan naman namin ang malawak na taniman ng lansones, rambutan at dragon fruit. Sa kaliwa naman ay makikita ang estasyon ng PAG-ASA sa aming paaralan. Ikinuwento ko pa nga sa aking kasama ang araw na pumunta kami sa opisina ng PAG-ASA. Tango lang siya ng tango.
                 "Anong gusto mong kainin?"
                Sa wakas! Tinanong din ako. Kanina pa kasi ako nagugutom. Kanina pa n parang hindi ako nagtanghalian gayong madami akong nakain nung tanghalian.
                Dumaan kami sa University Mall. Bumili kami ng pinakamalaking size ng French Fries sa Kerimo. Siya ang pumili ng aming kakainin. Alam niya kasi na ito ang gusto ko. Naka-order na siya kaya nagpaalam na siyang pupunta sa CR. Ipinatong ko ang gamit namin sa ibabaw ng lamesa, maya-maya ay tinawag na ako ng tindero. Luto na. Kinabahan ako kasi hindi ko alam kung bayad na iyon o hindi pa. Buti na lang at nakabalik na siya at sinabing nabayaran niya na ito. Kinuha na ulit namin ang gamit namin at naglakad na palabas. Kumakain kami habang nasa daan. 
              Pagdating namin sa bayan, ang haba ng pila sa sakayan ng papuntang Trece. Pumila na kami habang kinakain pa rin ang binili naming pagkain. Maingay ang paligid habang nag-iintay kami sa pila. May nag-uusap tungkol sa nangyaring rayot sa kung saan, may nag-uusap na parang isang kilometro ang layo sa isa't-isa sa lakas ng kanilang boses at may mga ale na parang sasakluban na ng langit sa inis sa mga sumisingit sa pila gayong sila ay kanina pa nagtitiyagang pumila. Maririnig mo rin ang ingay ng mga sasakyan na paro't parito.
             Isang oras din akong nagmasid at nagobserba sa paligid bago kami nakasakay. Buti na lang at may pila na, kahit matagal bago makasakay may kasiguraduhan naman na makakasakay na.
              Umandar na ang jeep. Muli ko na namang nakita ang mga tanawin. Ang mga puno, mga bahay, mga paaralan, mga nag-aabang ng masasakyan, at mga estudyanteng naglalakad mula paaralan hanggang sa kanilang mga tahanan. Lagi kong nakikita ang mga tanawin na ito ngunit hindi ako nag-sasawa. Natutuwa ako sa mga ganitong tanawin sa araw-araw.
              Dalawampung minuto ang lumipas. Sa lahat ng aking nakasalamuha, napakinggan at napagmasdan mas lubos ang kasiyahan sa muli kong pag-uwi.

Comments

Popular posts from this blog

Ang Buhay ng Barker

Panaginip2: Si Lolo