Panaginip1: Nakauwi na Ako
Nagising
ako. Basa na ang likod ko sa sobrang pawis. Agad akong bumangon upang buksan
ang bentilador. Pero.. nasaan ako? Anong lugar ito? Maingay ang paligid na
parang nagkakagulo sa labas. Tumakbo ako palabas ng kwarto. Nakita ko ang aking
lola at tiyahin na parang takot na takot. Hindi ko na sila tinanong. Agad ko na
lang binuksan ang pinto at sa maniwala ako o hindi, sira-sira ang ibang mga
bahay. Teka.. wala ako sa Pilipinas.. nasa Japan yata ako. Natutuwa ako.
Pangarap ko ang makarating sa bansang ito. Pero, bakit parang may gyera? Anong nangyayari?
“Jade!
Pumasok ka na! Delikado! Baka Makita ka niya diyan.” Hindi ako natinag.
Nakatayo pa din ako sa may pinto. May nakita ako. Nakita ko si Kenshin Himura! Lalong
lumakas ang tawag ni lola sa akin. Agad na rin akong pumasok dahil nakita ko si
Kenshin. May buntot siya at hinahabol niya ang mga tao.
Alam
ko nananaginip lang ako. Nagulat kaming lahat nang masira ang pinto at nang
iluwa nito si Kenshin na may buntot. Tumakbo kami ng mabilis, mabilis na
mabilis. Nasira na ang bahay namin sa pagdaan ni Kenshin. Patuloy pa din kami
sa pagtakbo. Tumingin ako sa likod upang tingnan ang aking tiya at lola ngunit,
wala na sila. Wala na sila lola. Lalo akong natakot. Hindi ko na alam ang
gagawin ko. Hindi na ako makahinga sa pagod sa pagtakbo. Pinipilit kong
magmulat. Alam kong nananaginip lang ako pero bakit ganun. Hindi ako magising. Takbo
pa rin ako ng takbo. Anong gagawin ko? Hindi ko na alam. Hindi na. Gusto ko ng
umuwi. Nadapa na ako sa sobrang pagod sa pagtakbo.
Iminulat
ko ang mga mata ko. Pawis na pawis at may luha sa mga mata. Naiiyak pa din ako
ngunit dahil sa tuwa. Nakauwi na ako.
Comments
Post a Comment